Pamamasyal at Pag-alala sa Kasaysayan sa Corregidor

Ang Corregidor ay isang maliit na isla na matatagpuan sa bungad ng Manila Bay. Kilala ang islang ito sa tawag na “The Rock” at mapapansin mo ang hugis ng isla na korteng butete. Ang islang ito ay nagkaroon ng kahalagahan sa ating kasaysayan dahil ito ang naging huling lugar na isinuko ng mga Pilipino at Amerikano laban sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyan, ito ay isa sa mga tourist spots sa Pilipinas dahil sa likas na kagandahan ng isla mula sa malinis na tubig sa Manila Bay hanggang sa maberdeng kabundukan at kagubatan hanggang sa mga lumang gusali at mga dating sandatang ginamit sa digmaan na nagsilbing bakas ng digmaan. Ang Corregidor ay may layong 3 milya mula sa Bataan ngunit sakop ito ng Cavite City na may layong 10 milya mula sa isla.

Umalis kami mula sa Maynila (sa bandang CCP Complex) noong Marso 2010 para sa isang araw na pamamasyal at paggunita sa ating kasaysayan sa isla ng Corregidor. Mahigit isang oras ang biyahe mula Maynila patungong Corregidor. Habang tinatawid namin ang Manila Bay, doon ko napagtanto na dapat pahalagahan ang ating karagatan dahil nakita ko ang ilang basura na pakalat-kalat sa pusod ng karagatan. Kahit ganoon pa man ay nakita ko rin ang kalinisan at ang kulay bughaw ng Manila Bay. Pagdating namin sa isla, naramdaman namin ang lamig ng sariwang hangin at ang kalinisan ng kapaligiran sa isla.

Nang papunta na kami sa mga lugar sa isla, mahirap pala bumiyahe sa islang ito dahil pataas at matarik ang mga daanan at ang mga matataas na bangin at mapunong gubat sa gilid ng kalsada. Habang dumadaan kami sa mga matatarik na kalsada, makikita mo naman ang magandang tanawin mula sa itaas.

Napuntahan namin ang ilan sa mga mahahalagang lugar sa Corregidor tulad ng Middleside Barracks kung saan makikita ang ilan sa mga lumang gusali na nasira noong digmaan at ang ilan sa mga sandatang ginamit noong panahon ng Hapones tulad ng mga kanyon na makikita sa mga lugar tulad ng Parade Grounds at Battery Grubbs. Noong bumisita kami sa Battery Grubbs, may narinig kami na pagsabog kung hindi ko alam kung galing iyon sa isang kanyon sa isla o sa malayong lugar.

Nalibot din namin ang iba’t-ibang bahagi at lugar sa isla. Mayroong apat na bahagi ang isla: Bottomside, Middleside, Topside at Tailside. Napuntahan din namin ang mga lugar tulad ng Pacific War Memorial kung saan ang lugar na ito ay magsiilbing alaala sa mga bayani at sundalong Pilipino at Amerikano noong digmaan, ang Filipino Heroes Memorial na matatagpuan sa Tail End kung saan mayroon itong 14 na mural na nilikha ng iskultor na sina Manuel Casas at Francisco Manosa, ang Japanese Garden of Peace kung saan inaalay ito sa mga Hapones na nagbuwis ng buhay sa digmaan at ang Malinta Tunnel kung saan nagsilbi itong huling headquarters ng pamahalaang Commonwealth bago pa umalis si Manuel L. Quezon patungong Amerika.

Pagkatapos ng buong araw na biyahe ay bumalik na kami patungong Maynila kung saan marami akong natutunan sa kasaysayan ng Pilipinas na nangyari sa Corregidor. Marami pa akong ikukuwento tungkol sa aking pamamasyal sa islang ito. 

This entry was posted in Backpacking, History, Photography, Travel and tagged , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s