Paggunita ng Kasaysayan sa Pacific War Memorial

May mga lugar sa ating bansa na nagkaroon ng mahalagang papel sa ating kasaysayan. Kapag narating natin ang nasabing lugar na iyon, talagang mararamdaman natin ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa ating bansa, na nagbigay ng kontribusyon sa pagiging Pilipino natin. Mula sa mga monumento hanggang sa mga museo, talagang masasalamin ang ating kasaysayan. Ito ang aking natutunan sa aking biyahe sa Corregidor noong pumunta kami sa Pacific War Memorial.

Isa sa mga hindi ko malilimutang bahagi noong namasyal kami sa Corregidor ay ang pagbisita namin sa Pacific War Memorial. Ang lugar na ito ay matatagpuan sa Topside, ang pinakamataas na bahagi ng isla kung saan naroon ang museo at mga monumento na nagsisilbing alaala ng digmaan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang lugar na ito ay ipinatayo para sa mga Pilipino at Amerikano na nagbuwis ng buhay para sa mga digmaan sa kalupaan at karagatan sa digmaan sa mga lugar na sakop ng Pacific Ocean, kabilang ang Pilipinas.

Ilan sa mga makikita sa lugar na ito ang mga monumento, gusali at isang museo. Una naming pinuntahan ang rotunda kung saan mayroon itong paikot na altar na iniaalay sa mga sundalong Pilipino at Amerikano na nagbuwis ng buhay sa digmaan laban sa mga Hapones. Dito rin mapapansin kung saan ang paikot na altar ay nakatapat sa oculus ng dome kung saan makikita ang sinag ng araw. Tuwing Mayo 6, sa ganap na 12:00 ng tanghali, ang araw ay tumatapat sa gitna ng altar at magkakaroon ng panandaliang katahimikan ang mga bisita bilang pag-alala na ang Pilipinas ay tuluyan nang nasakop ng mga Hapones noong 1942. 

Pagkatapos ng aming pagbisita sa rotonda ay sumunod naming pinuntahan ang Eternal Flame of Freedom. Ito ay matatagpuan malapit sa rotonda at sumasagisag ito sa walang hanggang kalayaan ng ating bansa. Ito ay may taas na 12 metro na gawa sa Corten steel na dito maaalala ang hirap, pag-asa at paghahangad ng pagkakaroon ng tunay na kalayaan noong digmaan. Dinisenyo ni Aristedes Demetrios, isang iskultor, mayroon itong ilaw na nagmula sa solar energy o enerhiya mula sa araw.

Nalibot din namin ang ilang monumento doon tulad ng “Brothers in Arms” na makikita ang istatwa ng dalawang sundalo na Pilipino at Amerikano kasama ang mga watawat ng Estados Unidos (U.S.A.) at Pilipinas (Philippines). Sumasagisag ito ng pagkakaisa ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo na lumaban sa digmaan. Pinuntahan din namin ang ilang mural na makikita ang mga makasaysayang pangyayari sa digmaan sa Karagatang Pasipiko (Pacific Ocean) mula 1941-1945.

Binisita namin ang Pacific War Memorial Museum kung saan makikita ang ilan sa mga kagamitan na magsisilbing alaala noong panahon ng digmaan. Ilan sa mga bagay na nakita ko sa loob ng museo ay ang mga black and white photos ng Corregidor bago dumating ang mga Hapones at ilang pangyayari sa digmaan; ang watawat ng Estados Unidos na binubuo lamang ng 45 na bituin (sa kasalukuyan ay 50 bituin dahil sa bilang ng mga states nito); ang mapa ng Corregidor; ilang pahayagan mula 1941 hanggang 1945 tungkol sa digmaan; ang pera na ginamit noong panahon ng Hapones sa Pilipinas; at mga sandatang ginamit sa digmaan.

Pagkatapos ng aming pagbisita sa Pacific War Memorial ay tumungo na kami sa ibang lugar sa isla. Maaalala ko ang lugar na ito bilang isa sa mga di ko malilimutang karanasan sa Corregidor dahil sumasalamin ito sa pagiging bayani ng mga Pilipino noong panahon ng digmaan. Sinabi ko sa sarili ko na saludo ako sa mga naging beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil naipagtanggol nila ang mga bansa laban sa mga mananakop na naging katunayan na ang ating bansa ay may makulay na kasaysayan at kabayanihang hahangaan ng mga tao sa buong mundo.

This entry was posted in Backpacking, History, Museums, Parks, Photography, Travel and tagged , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s