Paglalakbay sa Malinta Tunnel

Ang Malinta Tunnel ay ang nagsilbing headquarters o ang huling himpilan ng pamahalaang Commonwealth bago pa umalis si Pangulong Manuel L. Quezon sa Amerika. Matatagpuan ito sa isla ng Corregidor. Isa itong mahabang lagusan na kung saan naroon ang ospital na may 1,000 kama, taguan ng sandata at mga opisina ng mga heneral at opisyal ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, isa ito sa mga pangunahing atraksyon sa isla dahil maglalakad ka kasama ang mga tour guide sa loob ng madilim na tunnel. Dito ko rin naranasan ang tunay na ibig sabihin ng “nakakabinging katahimikan”dahil kung walang nagsasalita o walang tunog sa loob ng tunnel, maririnig mo ang alingawngaw ng katahimikan. Mararamdaman mo rin dito ang sobrang kadiliman kapag walang ilaw at nilakad din namin ang isang parte ng tunnel kung saan wala kaming ilaw at parang pasikip nang pasikip ang dadaanan kung wala itong ilaw. Nakita din namin ang ilan sa mga lumang kagamitan na ginamit noong dekada ’40 gayundin ang mga lateral na nagsilbing ospital para sa mga biktima ng digmaan.

Ang Malinta Tunnel ay magsisilbing isa sa mga makasaysayang lugar sa Corregidor dahil nagsilbi itong lugar para sa pamahalaang Commonwealth noong panahon ng Hapones.

Advertisements
Posted in Backpacking, Cave Trekking, History, Photography, Travel | Tagged , , , | Leave a comment

Paggunita ng Kasaysayan sa Japanese Garden of Peace

May isang lugar para sa mga sundalong Hapones na nagbuwis ng buhay at nagpakabayani sa digmaan, ang Japanese Garden of Peace. Nakita ko doon ang ilan sa mga istruktura at lugar na nagpapakita ng kulturang Hapones at ang paghahangad ng pagkakaroon ng maunlad at mapayapang bansa, na naging layunin nila bilang isang makapangyarihang bansa. Ito ang lugar kung saan nagdadasal ang mga pamilya ng mga beteranong sundalong Hapones na nagbuwis ng buhay noong digmaan. Ilan sa mga atraksyon sa lugar na ito ang Shinto shrine, 1o talampakang Buddha, isang reflecting pool at iba pang mga markers na nakasulat sa wikang Hapon. 

Posted in Backpacking, History, Parks, Photography, Travel | Tagged , , | Leave a comment

Paggunita ng Kasaysayan sa Pacific War Memorial

May mga lugar sa ating bansa na nagkaroon ng mahalagang papel sa ating kasaysayan. Kapag narating natin ang nasabing lugar na iyon, talagang mararamdaman natin ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa ating bansa, na nagbigay ng kontribusyon sa pagiging Pilipino natin. Mula sa mga monumento hanggang sa mga museo, talagang masasalamin ang ating kasaysayan. Ito ang aking natutunan sa aking biyahe sa Corregidor noong pumunta kami sa Pacific War Memorial.

Isa sa mga hindi ko malilimutang bahagi noong namasyal kami sa Corregidor ay ang pagbisita namin sa Pacific War Memorial. Ang lugar na ito ay matatagpuan sa Topside, ang pinakamataas na bahagi ng isla kung saan naroon ang museo at mga monumento na nagsisilbing alaala ng digmaan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang lugar na ito ay ipinatayo para sa mga Pilipino at Amerikano na nagbuwis ng buhay para sa mga digmaan sa kalupaan at karagatan sa digmaan sa mga lugar na sakop ng Pacific Ocean, kabilang ang Pilipinas.

Ilan sa mga makikita sa lugar na ito ang mga monumento, gusali at isang museo. Una naming pinuntahan ang rotunda kung saan mayroon itong paikot na altar na iniaalay sa mga sundalong Pilipino at Amerikano na nagbuwis ng buhay sa digmaan laban sa mga Hapones. Dito rin mapapansin kung saan ang paikot na altar ay nakatapat sa oculus ng dome kung saan makikita ang sinag ng araw. Tuwing Mayo 6, sa ganap na 12:00 ng tanghali, ang araw ay tumatapat sa gitna ng altar at magkakaroon ng panandaliang katahimikan ang mga bisita bilang pag-alala na ang Pilipinas ay tuluyan nang nasakop ng mga Hapones noong 1942. 

Pagkatapos ng aming pagbisita sa rotonda ay sumunod naming pinuntahan ang Eternal Flame of Freedom. Ito ay matatagpuan malapit sa rotonda at sumasagisag ito sa walang hanggang kalayaan ng ating bansa. Ito ay may taas na 12 metro na gawa sa Corten steel na dito maaalala ang hirap, pag-asa at paghahangad ng pagkakaroon ng tunay na kalayaan noong digmaan. Dinisenyo ni Aristedes Demetrios, isang iskultor, mayroon itong ilaw na nagmula sa solar energy o enerhiya mula sa araw.

Nalibot din namin ang ilang monumento doon tulad ng “Brothers in Arms” na makikita ang istatwa ng dalawang sundalo na Pilipino at Amerikano kasama ang mga watawat ng Estados Unidos (U.S.A.) at Pilipinas (Philippines). Sumasagisag ito ng pagkakaisa ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo na lumaban sa digmaan. Pinuntahan din namin ang ilang mural na makikita ang mga makasaysayang pangyayari sa digmaan sa Karagatang Pasipiko (Pacific Ocean) mula 1941-1945.

Binisita namin ang Pacific War Memorial Museum kung saan makikita ang ilan sa mga kagamitan na magsisilbing alaala noong panahon ng digmaan. Ilan sa mga bagay na nakita ko sa loob ng museo ay ang mga black and white photos ng Corregidor bago dumating ang mga Hapones at ilang pangyayari sa digmaan; ang watawat ng Estados Unidos na binubuo lamang ng 45 na bituin (sa kasalukuyan ay 50 bituin dahil sa bilang ng mga states nito); ang mapa ng Corregidor; ilang pahayagan mula 1941 hanggang 1945 tungkol sa digmaan; ang pera na ginamit noong panahon ng Hapones sa Pilipinas; at mga sandatang ginamit sa digmaan.

Pagkatapos ng aming pagbisita sa Pacific War Memorial ay tumungo na kami sa ibang lugar sa isla. Maaalala ko ang lugar na ito bilang isa sa mga di ko malilimutang karanasan sa Corregidor dahil sumasalamin ito sa pagiging bayani ng mga Pilipino noong panahon ng digmaan. Sinabi ko sa sarili ko na saludo ako sa mga naging beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil naipagtanggol nila ang mga bansa laban sa mga mananakop na naging katunayan na ang ating bansa ay may makulay na kasaysayan at kabayanihang hahangaan ng mga tao sa buong mundo.

Posted in Backpacking, History, Museums, Parks, Photography, Travel | Tagged , , , , , , , , , , , , | Leave a comment

Pamamasyal at Pag-alala sa Kasaysayan sa Corregidor

Ang Corregidor ay isang maliit na isla na matatagpuan sa bungad ng Manila Bay. Kilala ang islang ito sa tawag na “The Rock” at mapapansin mo ang hugis ng isla na korteng butete. Ang islang ito ay nagkaroon ng kahalagahan sa ating kasaysayan dahil ito ang naging huling lugar na isinuko ng mga Pilipino at Amerikano laban sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kasalukuyan, ito ay isa sa mga tourist spots sa Pilipinas dahil sa likas na kagandahan ng isla mula sa malinis na tubig sa Manila Bay hanggang sa maberdeng kabundukan at kagubatan hanggang sa mga lumang gusali at mga dating sandatang ginamit sa digmaan na nagsilbing bakas ng digmaan. Ang Corregidor ay may layong 3 milya mula sa Bataan ngunit sakop ito ng Cavite City na may layong 10 milya mula sa isla.

Umalis kami mula sa Maynila (sa bandang CCP Complex) noong Marso 2010 para sa isang araw na pamamasyal at paggunita sa ating kasaysayan sa isla ng Corregidor. Mahigit isang oras ang biyahe mula Maynila patungong Corregidor. Habang tinatawid namin ang Manila Bay, doon ko napagtanto na dapat pahalagahan ang ating karagatan dahil nakita ko ang ilang basura na pakalat-kalat sa pusod ng karagatan. Kahit ganoon pa man ay nakita ko rin ang kalinisan at ang kulay bughaw ng Manila Bay. Pagdating namin sa isla, naramdaman namin ang lamig ng sariwang hangin at ang kalinisan ng kapaligiran sa isla.

Nang papunta na kami sa mga lugar sa isla, mahirap pala bumiyahe sa islang ito dahil pataas at matarik ang mga daanan at ang mga matataas na bangin at mapunong gubat sa gilid ng kalsada. Habang dumadaan kami sa mga matatarik na kalsada, makikita mo naman ang magandang tanawin mula sa itaas.

Napuntahan namin ang ilan sa mga mahahalagang lugar sa Corregidor tulad ng Middleside Barracks kung saan makikita ang ilan sa mga lumang gusali na nasira noong digmaan at ang ilan sa mga sandatang ginamit noong panahon ng Hapones tulad ng mga kanyon na makikita sa mga lugar tulad ng Parade Grounds at Battery Grubbs. Noong bumisita kami sa Battery Grubbs, may narinig kami na pagsabog kung hindi ko alam kung galing iyon sa isang kanyon sa isla o sa malayong lugar.

Nalibot din namin ang iba’t-ibang bahagi at lugar sa isla. Mayroong apat na bahagi ang isla: Bottomside, Middleside, Topside at Tailside. Napuntahan din namin ang mga lugar tulad ng Pacific War Memorial kung saan ang lugar na ito ay magsiilbing alaala sa mga bayani at sundalong Pilipino at Amerikano noong digmaan, ang Filipino Heroes Memorial na matatagpuan sa Tail End kung saan mayroon itong 14 na mural na nilikha ng iskultor na sina Manuel Casas at Francisco Manosa, ang Japanese Garden of Peace kung saan inaalay ito sa mga Hapones na nagbuwis ng buhay sa digmaan at ang Malinta Tunnel kung saan nagsilbi itong huling headquarters ng pamahalaang Commonwealth bago pa umalis si Manuel L. Quezon patungong Amerika.

Pagkatapos ng buong araw na biyahe ay bumalik na kami patungong Maynila kung saan marami akong natutunan sa kasaysayan ng Pilipinas na nangyari sa Corregidor. Marami pa akong ikukuwento tungkol sa aking pamamasyal sa islang ito. 

Posted in Backpacking, History, Photography, Travel | Tagged , , , , , , , , | Leave a comment

Kodakan at Gala sa Laguna Loop: San Pablo City

Ang San Pablo City ay isa sa mga mauunlad na bayan sa Laguna. Matatagpuan sa katimugang bahagi ng probinsya at napapaligiran ng mga bayan ng Calauan sa hilaga, Alaminos sa kanluran, Rizal sa silangan, at ang lalawigan ng Quezon sa timog. Ang bayan na ito ay kilala rin sa tawag na “The City of Seven Lakes” dahil mayroong pitong lawa sa bayan na ito. Ang mga lawang ito ay ang Sampaloc (pinakamalaki sa pitong lawa), Muhicap (pinakamaliit sa pitong lawa), Yambo at Pandin, (tinawag na Mag-asawang Lawa), Calibato, Bunot at Palacpacin. Ang pitong lawang ito ay pangunahing pinagkukunan ng mga freshwater fish tulad ng tilapia. Marami na ring mga gusali sa bayan na ito at malaki ang populasyon na nagpapatunay na maunlad ang lungsod na ito.

Ang Lungsod ng San Pablo ay isa sa pinakamaunlad na bayan sa Laguna. Dito matatagpuan ang San Pablo Cathedral at ang SM San Pablo.

Pamamasyal sa Sampaloc Lake

Ang San Pablo ay kilala sa tawag na “City of Seven Lakes” dahil mayroon itong pitong lawa na matatagpuan sa bayan na ito. Nagkaroon ako ng pagkakataon na mamasyal sa Sampaloc Lake, ang pinakamalaki sa pitong lawa. Maaari mo itong tanawin mula sa itaas at sa ibaba kung saan matatanaw ito ng malapitan. Maaari ka ditong mamasyal, magbisikleta, kumuha ng litrato, mangisda at sumakay sa bangka para mamasyal sa bangka. Noong namasyal ako dito, ramdam ko ang lamig ng hangin at ang kalinisan ng lawa.

Ang malapitang pagtanaw sa Sampaloc Lake kung ikaw ay nasa ibaba. Malinis at maganda ang tanawin ng lawa gayundin makikita mo ang mga kabundukan na nakapalibot sa San Pablo City tulad ng Banahaw.

Ang Sampaloc Lake Concrete Stairs na ginawa noong 1965 kung saan dito ang daan papunta sa itaas para makita ang tanawin ng Sampaloc Lake.

Maganda ang tanawin sa itaas kasama na rito ang malinis na kalsada at mga monumento tulad ng Andres Bonifacio Monument. 

Posted in Backpacking, Ecotourism in Urban Area, Photography, Travel | Tagged , , , | Leave a comment