Bagong Tahanan sa Blogspot

sa mga mambabasa ng aking blog sa WordPress, maraming salamat po. Lilipat na po ako ng bagong tahanan sa Blogspot at lahat ng mga posts po dito ay doon po mapupunta. At doon na rin po mapopost ang mga bagong destinasyon at bayan na aking mabibisita.

Posted in Travel | 2 Comments

Abangan! Bagong Travel Blog

Maraming salamat sa mga tumangkilik sa aking blog tungkol sa aking pamamasyal at paglilibot sa iba’t-ibang bayan sa Pilipinas. Sana mas marami pa akong mabisitang mga lugar kahit mga bansa.

Dahil diyan, abangan ang aking bagong travel blog. Mas maraming impormasyon na makukuha at mas marami pang mga kuwento na maibabahagi kung bakit naiiba ang Talaarawan ni Mister Commuter!

Posted in Travel | Leave a comment

Pag-alala ng Kasaysayan sa Calamba: Ang Bayan ng Ating Pambansang Bayani

Isa sa mga mauunlad na lungsod sa lalawigan ng Laguna ang Calamba.  Isa ito sa sentro ng kalakalan sa Katimugang Luzon. Matatagpuan 54 kilometro timog ng Maynila at napapaligiran ito ng mga bayan ng Cabuyao, at Los Baños sa Laguna, Tagaytay sa Cavite, at ng bayan ng Tanauan at Sto. Tomas sa Batangas.

Ayon sa kuwento, noong unang panahon may dalawang sundalong Espanyol na nakita ang isang babae na galing sa ilog na may dalang banga na puno ng tubig. Nagtanong ang mga sundalo gamit ang kanilang wika para itanong kung anong lugar ang napuntahan nila. Sinagot ng babae ang tanong gamit ang kanyang wika at sinabing “kalan banga” na ang ibig sabihin ay kalan (stove) at banga (jar stone). Nang tumagal, tinawag din itong “Calamba” at dito matatagpuan ang pinakamalaking banga sa buong mundo.

Ang Calamba ay ang bayan kung saan isinilang at nagkaisip ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Sa kasalukuyan, ang kanyang bahay ay isa sa mga makasaysayang lugar sa Pilipinas at binibisita ito ng mga turista. Ang kanilang bahay ay gawa sa bato kung saan inilalarawan na kabilang sila sa mga ilustrados o mga mayayamang Pilipino. Napapaligiran din ito ng mga halaman at punong-kahoy. Ito ay muling ipinagawa ni Pangulong Elpidio Quirino noong panahon ng kanyang administrasyon bilang pagkilala kay Rizal bilang pambansang bayani.

Matatagpuan naman sa tapat ng city hall ang Plaza Rizal kung saan makikita ang pinakamalaking istatwa ni Rizal sa Pilipinas. Mula sa pag-akyat sa hagdan tungo sa istatwa ay matatanaw mo ang Bundok Makiling at ang bahay pamahalaan ng Calamba.

Ang aking pamamasyal sa bayan ng Calamba ay pag-alala sa ating makulay na kasaysayan at pagkilala sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Sa ngayon, isa sa mga mauunlad na lungsod sa Pilipinas ang Calamba dahil sa dami ng mga malls, residential areas, mga pabrika at iba pang mga gusali ngunit nananatili pa rin itong lugar kung saan nagmula ang ating pambansang bayani.

Posted in History, Travel, Urban Life | Tagged , , , , , | 9 Comments

Ang Paggunita ng Kasaysayan sa Kawit: Ang Bayan Kung Saan Idineklara ang Kalayaan

Hunyo 12, 1898. Naideklara ang kasarinlan ng Pilipinas sa isang bayan sa Cavite na tinatawag na Kawit. Dito rin isinilang ang unang presidente ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo. Sa kasalukuyan, ang bayan na ito ay maituturing nang urbanisado at maunlad ngunit ito pa rin ay pinagtibay ng kasaysayan.  

Ang bayan ng Kawit ay hango sa pangalang “kawit” o isang hook dahil sa hugis nito na katulad ng isang kawit na sumasakop malapit sa Manila Bay na sakop hanggang Cavite City. Ayon sa kuwento, isang Kastila ang nagtanong sa isang panday kung ano ang pangalan ng bayan na ito habang siya ay gumagawa ng mainit na metal na mukahng kawit. Tinawag ang bayan na ito na “kawite” at noong tumagal tinawag ito na “Cavite”.

Ang bayan na ito na “Cavite del Viejo” noong panahon ng Espanyol na iba sa “Cavite del Puerto” na ngayon ay ang Lungsod ng Cavite. Dito rin matatagpuan ang Simbahang Aglipayan sa baryo ng Binakayan na ipinatayo noong 1902.

Noong nagkaroon ako ng pagkakataon na bisitahin ang bayan ng Kawit, nilibot ko ang bayan na ito. Sagana sa mga fish pond at ilog dahil malapit ito sa dagat at marami na ring mga gusali at mga bahay dahil sa dami ng populasyon sa bayan.

Ang Labanan sa Binakayan na itinuturing na ang unang malakihang panalo ng mga Pilipino sa himagsikan ng 1896.

Dito nangyari ang isa sa mga matagumpay na himagsikan noong 1896, ang Labanan sa Binakayan kung saan nagwagi ang mga Pilipino sa digmaang ito. Sa ngayon, matatagpuan ang Binakayan Shrine sa tapat ng sikat na resort, ang Island Cove.

Simbahan ng Kawit

Ngunit kitang-kita pa rin ang bakas ng kasaysayan sa ilang mga lumang gusali dito. Una ang Simbahan ng Kawit o ang St. Mary Magdalene Parish Church na matatagpuan sa sentro ng bayan at malapit ito sa munisipyo. Dito sa simbahang ito bininyagan ang ating unang pangulo na si Emilio Aguinaldo noong 1869.

Dambana ni Emilio Aguinaldo

Ang balkonahe sa bahay ni Aguinaldo kung saan ginanap ang makasaysayang pagdedeklara ng kasarinlan ng Pilipinas.

Pagkatapos nito ay dumako ako sa pinakabantog na landmark sa Kawit, ang Bahay ni Emilio Aguinaldo. Ipinatayo ito noong 1849. Ito ang nagsilbing tahanan ni Aguinaldo mula sa kanyang pagkabata hanggang sa siya ay lumaki. Sa balkonahe ng bahay na ito naganap ang makasaysayang pagdedeklara ng kalayaan ng ating bansa mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Sumakabilang buhay siya noong 1964 at inilibing siya sa likod ng kanilang bahay.  

Sa kasalukuyan, ang bahay ni Aguinaldo ay isa sa mga dinarayong lugar sa Cavite dahil dito sumasalamin ang kasaysayan ng probinsya at matatagpuan dito ang ilan sa mga bagay na naging bahagi ng buhay ni Aguinaldo at ng kasaysayan ng Pilipinas. Namumukod tangi ang tahanang ito dahil makikita mo ang mapa ng Pilipinas sa kisame at mayroon itong sikretong lagusan patungo sa ibang lugar.

Ang bayan ng Kawit ay isang bayan na simbolo ng pag-unlad at urbanisasyon at nananatili itong bayan na pinagtibay ng kasaysayan dahil dito isinilang ang kalayaan ng ating bansa.

Posted in History, Travel | Tagged , , , , , , , , , | 17 Comments

Ang Unang Bakasyon Grande sa Palawan

Sa panahon ngayon, kahit sinong mga Pilipino ay papangaraping magbakasyon sa isla ng Palawan. Ang islang ito ay tinawag na “The Last Frontier” dahil sa kabila ng urbanisasyon sa karamihan ng mga bayan sa Pilipinas, ang Palawan ay nananatili pa ring malinis ang lugar at sagana sa mga likas na yaman.

Rancho Santa Monica

Mga buwaya sa Palawan Wildlife and Conservation Center.

Ang mga isda sa baywalk ng Puerto Princesa

Maraming mga isda sa Honda Bay kaya isa ito sa magandang lugar para sa snorkeling.

Ang malinaw na tubig ng Honda Bay at ang kasaganahan ng starfish.

Ang isla ng Lu-li ay bahagi ng Honda Bay kung saan hango ito sa dalawang salita – lulubog at lilitaw.

Ang puti at pinong buhangin sa Snake Island, parte ng Honda Bay.

Noong nakaraang taon, nagkaroon ako ng pagkakataon na magbakasyon kasama ang aking pamilya sa lungsod ng Puerto Princesa, ang kabisera ng Palawan. Ito din ang unang beses na makasakay ako ng eroplano. Pagkatapos ng mahigit isa’t kalahating oras na biyahe, nalanghap ko ang sariwang hangin na ang ibig sabihin ay ang kalinisan ng lungsod. Ito ang ilan sa mga lugar na aking napuntahan sa lungsod ng Puerto Princesa:

  • Honda Bay – Matatagpuan sa silangang bahagi ng lungsod, ito ay binubuo ng mahigit 16 na maliliit at magkakaibang isla. Tatlo sa mga islang ito ang aming nabisita: ang Starfish Island, Snake Island at Pambato Reef. Sagana sa yamang tubig ang nasabing lugar at maaari ka ditong mag-scuba diving, island hopping at snorkeling. 
  • Rancho Santa Monica – Ito ang lupain na pagmamay-ari ni Ramon Mitra na dating senador. Nakakatuwang pumasyal sa lugar na ito dahil sa sobrang lawak ng lupain at makikita mo ang tanawin ng lungsod mula sa rancho. Marami ka ring makikita na mga hayop tulad ng baka at manok at ang malinis na hangin at ang berdeng kapaligiran sa burol.
  • Baker’s Hill – Kung mayroong mga malls sa Maynila, ito ang isa sa mga dinarayong pasyalan sa Puerto Princesa City. Maraming mga hardin dito tulad ng Butterfly Garden at makikita mo ang mga makukulay na istatuwa. Higit sa lahat, marami kang mabibiling mga pagkain lalo na ang mga tinapay at hopia.
  • Palawan Wildlife and Conservation Center – Kilala sa tawag na Palawan Crocodile Farm and Conservation Center na matatagpuan sa Barangay Irawan. Marami kang makikitang mga buwaya sa lugar na ito at gayundin ang ibang mga hayop. Layunin nito ang mapanatili ang ating likas na yaman lalo na ang mga hayop. 
  • Iwahig Prison and Penal Farm – Tinaguriang “presong walang rehas” at ito ang isa sa mga pinakamalawak na penal farm sa Pilipinas. 
  • Iwahig River Firefly Watching – Pagdating ng gabi, babaybayin mo ang mahabang ilog ng Iwahig kasama ang ilan sa mga bangkero para makita ang mga alitaptap sa mga bakawan at iba pang puno sa paligid ng ilog. Para silang Christmas lights na nagbibigay ng ilaw sa Christmas tree sa tuwing makikita sila sa dilim.
  • Immaculate Conception Cathedral – Ang simbahan na ipinatayo ng mga Espanyol noong 1872 na kilala sa magandang arkitektura nito at ang pagiging matayog nito. 

Sa totoo lang, ito ang unang beses na nakapagbakasyon ako sa Palawan at marami pa akong nais balikan na mga lugar tulad ng Underground River. Balang araw, babalik ako dyan at kukumpletuhin ang aking bakasyon sa isla.

Posted in Backpacking, Ecotourism in Urban Area, Travel | Tagged , , , , | Leave a comment

Pamamasyal sa Isla ng mga Bituin

Noong Oktobre 2010, ang aking pamilya at ako ay nagkaroon ng bakasyon sa Puerto Princesa City. Isa sa naging bahagi ng aming karanasan sa bayan na iyon ay ang island hopping sa Honda Bay. Ang lugar na ito ay ang perpektong lugar para sa island hopping dahil sa bawat isla ay may kakaibang katangian, ang magandang tanawin ng baybayin at ang likas na yaman na makikita sa look. Ang Honda Bay din ay magandang lugar para sa snorkeling dahil sagana ito sa yamang dagat tulad ng mga isda at coral reefs mula sa mababaw na bahagi ng dagat hanggang sa pinakamalalim na parte.

Mayroong isang pulo sa Honda Bay na masasabi kong kakaiba dahil marami kang makikitang mga bituin. Ito ay ang Starfish Island. Mararating mo ang islang ito sa loob ng 20 hanggang 45 minutong biyahe gamit ang bangka mula sa Sta. Lourdes Wharf na bahagi ng Barangay Tagbanua, Puerto Princesa City. Sa loob ng mahigit kalahating minuto ng aming pagbisita sa Starfish Island, natuklasan ko ang kagandahan ng isla at matutuklasan mo ang mga iba’t-ibang likas na yaman na makikita mo rito.

Isa sa mga di ko malilimutang alaala ay ang unang beses na nakakita at nakahawak ako ng starfish gayundin noon nakita ko na maraming starfish sa mababaw ngunit mabatong bahura ng isla. Nakakaenganyong pagmasdan ang kulay kahel at kayumangging starfish na nagkalat sa malinaw at pantropikong tubig ng Honda Bay. Mayroon ding mga kulay-abo na sea stars at iba pang mga hayop tulad ng alimango, mga corals at mga clownfish na naninirahan sa sea anemone. Nagsagawa kami ng fish feeding pero kakaunti lamang ang mga isda na may kulay na puti, abo at kayumanggi.

Ngunit kailangan maging maingat sa mga stonefish. Para silang mga magagaspang na bato sa ilalim ng tubig na tumutugma sa mabatong bahura ng karagatan. Kapag ikaw ay inatake nito, ang buong binti mo ay makakaramdam ng matinding pananakit dahil sa kimikal na kanilang nilalabas sa katawan.

Marami ding mga puting kabibe na hugis bilog na tulad ng isang barya na makikita sa islang ito. Ang tawag sa kanila ay mga sand dollars. Napakaraming sand dollars na nagkalat sa baybayin ng isla at noong nakita ko ito ng malapitan, wala na silang laman. Ang tunay na kulay nito kapag buhay pa ay kulay kayumanggi kung saan nabubuhay sila sa maputik o malalim na bahagi ng karagatan. Nakakita din kami ng patay na starfish na nabubulok sa dalampasigan. Natatapos ang buhay nito kapag ito ay natuyo at wala na sa tubig. Nakakita din kami ng ibang starfish sa dalampasigan na nangingitim o namumutla kaya ang ginawa namin ay binalik namin sila sa dagat para mabuhay nang matagal.

Ang aking pagbisita sa Starfish Island ay ang nagturo sa akin kung paano magpahalaga sa kalikasan lalo na sa karagatan at ang pagpapahalaga sa mga nilalang at likas na yaman ng Pilipinas. Natuklasan ko rin na sagana tayo sa yamang tubig kaya dapat ang mga isda at iba pang nilalang sa karagatan at tubig ay dapat ingatan at pangalagaan.

(Ang sanaysay na ito ay isinalin mula sa orihinal kong isinulat sa Ingles na pinamagatang “In The Island of Stars” mula sa aking blog na pinamagatang “Perspectives in White Scratch Papers“)

Posted in Backpacking, Ecotourism in Urban Area, Island Hopping, Photography, Travel | Tagged , , , , , , , , | 25 Comments

Ang Bayan ng Nagcarlan Mula sa Kampanaryo ng Simbahan

Isa sa mga pagkakataon na di ko pinalagpas noong ako ay pumunta sa Nagcarlan ay ang pag-akyat sa kampanaryo ng Saint Bartholomew Church o mas kilala sa tawag na Nagcarlan Church.

Noong unang beses akong pumunta sa nasabing simbahan ay sinabi na sarado ang kampanaryo. Pero sa ikalawang pagkakataon, pagpasok ko sa simbahan ay nagtanong ako sa isang ale at sinabi niya na bukas ang kampanaryo at puwede itong bisitahin. Nadaanan ko ang opisina, ang kapilya at ang balkonahe ng simbahan, at nagsimula na ang hamon na pumunta sa kampanaryo.

Magkahalong kaba at galak ang nararamdaman ko habang inaakyat ko ang balkonahe. Natatakot ako sa kadahilanan na mahaba-haba pa ang aakyatin ko ang mga hagdang gawa sa kahoy at pinagmamasdan ko ang mga pader at mga stained glass windows na pinaglumaan na ng panahon. At noong narating ko na ang pinakamataas na bahagi ng kampanaryo kung saan naroroon ang mga maliliit na kampana na napapaligiran ang isang malaking kampana na pinagtibay ng mga taon. Maliit lang ang espasyo sa bahaging ito dahil sa mga kampana. Kaya, kailangan maging maingat dahil sinabi sa akin ng isang ale “wag masyadong lalapit sa bintana doon sa pinakamataas na bahagi ng kampanaryo.” Noong nakita ko ang tanawin mula sa itaas, malawak ang Nagcarlan at napakaraming mga puno sa bayan na iyon, gayundin naman ang tanawin ng Bundok Banahaw. Naramdaman ko din ang sariwang hangin at ang pakiramdam na ako ay nagtagumpay na aking narating ang tuktok ng kampanaryo.

Ang aking nagawa na akyatin ang kampanaryo ay isa sa mga di ko malilimutang karanasan dahil kahit saglit lang ito ay masasabi kong lagi itong nakatanim sa isipan ko dahil sabi ko sa sarili ko na kaya ko pala na lagpasan ang takot ko sa mataas na lugar. Ang pinakamahalaga rito ay ang pagtuklas sa kagandahan ng bayan ng Nagcarlan mula sa kampanaryo. Sa madaling salita, may mahalagang bahagi din ang kampanaryo sa isang simbahan dahil simbolo ito ng paggunita para sa ating Panginoon.

Posted in Photography, Travel | Tagged , , , , | Leave a comment

Walking Distance sa Maynila: Mahabang Lakad mula City Hall Hanggang Lawton

Maraming nagsasabi na ang Intramuros ay isang napakagandang lugar sa Maynila. Sa kabila ng urbanisasyon, paglaki ng populasyon at ang pagbabago sa kapaligiran nito, ang Intramuros ay nananatili pa rin ang mga lumang gusali na nilikha pa noong panahon ng Kastila at ang bayang ito ay naging saksi sa kasaysayan ng Pilipinas. Mula noong naitatag ni Raha Sulayman ang kanyang kaharian sa Intramuros noong sinaunang panahon hanggang naging sentro ito ng pamahalaan, ekonomiya at kultura noong panahon ng Kastila. Naging kabisera din ito noong panahon ng Amerikano at maraming mga nasirang gusali noong panahon ng digmaan. Sa kasalukuyan, isa ito sa mga pinakamaayos na lugar sa Maynila at dinarayo ito ng mga turista dahil ang Intramuros ay ang bayan na sumasalamin sa kasaysayan ng Maynila at ng Pilipinas.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na mamasyal sa Intramuros. Mula sa aming bayan sa katimugang Luzon, sumakay ako ng bus patungong Lawton. Bago ako makarating ng Lawton, bumaba na ako sa Manila City Hall. Para makatawid, dumaan ako ng Manila City Hall Underpass. Malaking hamon sa akin na dumaan ng underpass dahil sabi nila maraming mga holdaper at snatcher doon kaya kailangan ng ibayong pag-iingat. Ngunit napansin ko na may kakaibang mundo pala sa lugar na iyon, maraming mga tiangge at tindahan, namamasyal doon ang mga tao mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan (kahit mga foreigner doon dumadaan) at naramdaman ko rin ang kaligtasan sa lugar dahil pag tumawid ka sa kalsada, maaaring mapahamak ka pa.

Paglabas ko ng underpass at pagkatapos ng pagtapak sa ilang baitang ng hagdanan, narating ko rin ang City Hall. Isa ito sa mga may pinakamagandang arkitektura na nakita ko dahil sa clock tower nito na naging trademark na ng nasabing gusali at ito rin ang pinakamalaki sa Pilipinas. Ito ay pinagplanuhan at dinesenyo ni Antonio Toledo at ang pagtatanim ng mga puno sa paligid nito na pinatupad ng dating alkalde Ramon Bagatsing noong dekada ’70.

Sa tapat ng City Hall, makikita din ang sikat na  underpass na tinatawag na Lagusnilad kung saan pailalim ito at tuwing bumabagyo at nagkakaroon ng matinding pagbaha kaya mga sasakyan ay di makadaan at magmimistulan itong dagat o swimming pool dahil sa sobrang lalim ng tubig baha.

Isa din sa mga lugar na dinarayo ay Bonifacio Memorial Shrine na nilikha ng iskultor na si Eduardo Castrillo. Ipinapakita rito ang nangyari sa himagsikan ng 1896 at sa paligid nito makikita ang mga watawat ng Katipunan. Habang binabaybay ang kahabaan ng kalye ng Lawton para makapunta sa Intramuros at naghahanap ng masasakyan, medyo napagod ako sa kakalakad kung saan-saan hanggang narating ko ang Metropolitan Theater. Ginawa noong 1931 at dinisenyo ni Juan Arellano na may seating capacity na 1670 (846 sa orchestra, 116 sa loge, at 708 sa balcony). Nasira ito noong panahon ng digmaan at muling ipinaayos hanggang di na ito nagamit noong 1978 at sa kasalukuyan ay muli itong ipinaaayos. Sa likod ng nasabing gusali ay mayroong bus terminal.

Pagkatapos kong bisitahin ang Metropolitan Theater ay nakasakay na ako ng jeep patungong Intramuros, salamat kay Manong Barker at sulit din naman ang walking distance mula City Hall hanggang Lawton.

Posted in Backpacking, History, Photography, Travel, Urban Life, Walking Distance | Tagged , , , , , , , , , | Leave a comment

Walking Distance sa Maynila: Ang Makasaysayang Moog ng Intramuros

Ang Fort Santiago (Moog ng Santiago) ay isa sa mga makasaysayang lugar sa Maynila. Matatagpuan ito sa Intramuros at sa ngayon ito sa mga paboritong pasyalan sa Maynila ng mga estudyante para sa kanilang field trip o lakbay-aral, mga Pilipinong gustong gunitain ang kasaysayan at makapag-relax man lang  at ng mga dayuhang gustong matuklasan ang kasaysayan ng Pilipinas.

Ang entrance fee ay nagkakahalaga ng P50.00 kung ikaw ay estudyante at bata at P75.00 para sa mga turista. (Wag kalilimutang magdala ng 2 valid I.D.) Pagpasok ng Fort Santiago ay una mong makikita ang isang parke kung saan naroon ang mga kalesa. Kung gusto mong sumakay sa kalesa, P20.00 kung ikaw ay bata o estudyante, P50.00 sa mga turista at P300 kung mamasyal ka sa buong Intramuros gamit ang kalesa.

Pagkatapos ay madadaanan mo na ang pagpasok o ang bukana ng Fort Santiago kung saan makikita ang isang maliit na sapa na puno ng water lilies at makikita ang isang malaking arko na gawa pa mahigit limang siglo na ang nakalipas. Ang kinalalagakan ng Fort Santiago ay ang dating kaharian ni Raha Sulayman at doon din nakulong si Dr. Jose Rizal. Pagkatapos madaanan ng arko ay makikita mo ang ilang bakas ng paa sa hinulmang manipis na bakal na nagsilbing alaala ng huling paglakad ni Dr. Jose Rizal kung saan siya hinatulan sa Bagumbayan.

Pagkatapos nito ay sinundan ko ang mga bakas tungo sa isang lugar na iniaalay sa mga nasawi sa digmaan noong panahon ng Hapones. Kaunting lakad pa ay narating ko ang sinasabing “Dungeon” o bilangguan sa ilalim ng lupa. Naiisip ko na masikip, mainit at madilim sa loob ng dungeon. Ito ay dating taguan ng mga kanyon at sandatang pandigma sa Baluarte de Santa Barbara. Dahil sa malapit ito sa Ilog Pasig at pagiging mahamog ng lugar, gumawa ng panibagong bobeda ang mga Espanyol sa taas ng baluarte. Naging bilangguan ito noong nilikha ang Casa del Castellano noong 1718.

Pagkatapos nito ay tumungo ako sa Baluarte De Santa Barbara kung saan naroon ang ilang lugar tulad ng Media Naranja kung saan makikita ang tanawin ng Ilog Pasig mula sa itaas at ang Rizaliana Furniture Exhibit kung saan makikita ang ilan sa mga kagamitan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Mula sa Baluarte De Santa Barbara ay narating ko ang Rizaliana Furniture Exhibit kung saan nakita ko ang ilan sa mga kagamitan ng ating pambansang bayani. Napansin ko rin sa Baluarte ang ilan sa mga lumang gusali na nasira na at nagsilbi na lamang na alaala gayundin ang mga daanan na pinaglumaan ng panahon at kasaysayan.

Pagkatapos kong malibot ang Baluarte, pinuntahan ko rin ang labi ng isang gusali na gawa sa bricks at sinasabing ito ang pinakaunang gusali na nilikha sa nasabing moog. Pagkatapos nito ay nagtungo ako sa Rizal Shrine kung saan makikita ang piitan kung saan ikinulong si Dr. Jose Rizal, gayundin ang ilan sa kanyang mga nilikha tulad ng mga bersyon ng Mi Ultimo Adios (Ang Huling Paalam) sa iba’t-ibang wika, ang lumang kopya ng Noli Me Tangere at ang ilan sa mga larawan ni Rizal, Josephine Bracken at O Sei San. Narating ko rin ang Baluartillo de San Francisco Javier kung saan isa itong malaking lagusan at nagsilbi itong depensa o proteksyon sa palasyo ng gobernador heneral noong nasa Fort Santiago pa ito. Ito din ang lagusan patungo sa kapilya ng Our Lady of Guadalupe.

Nais kong muling bumalik sa Fort Santiago dahil ang moog na ito ay naging saksi na ng kasaysayan ng Pilipinas mula sa panahon ng mga datu at raha kung saan namuno si Raha Sulayman, naging moog para sa mga Espanyol at Amerikano, nasira noong panahon ng digmaan laban sa mga Hapones at muling inayos para maging pasyalan ng ating mga kababayan para maggunita ang ating makulay na kasaysayan.

Posted in Backpacking, Heritage Towns, History, Parks, Photography, Spanish Colonialism in the Philippines, Travel | Tagged , , , , | Leave a comment

Paggunita ng Kasaysayan sa Intramuros

Ang Intramuros ay ang pinakalumang distrito sa Maynila na matatagpuan malapit sa Ilog Pasig. Makasaysayan ang lugar na ito dahil dito unang ipinatayo ang kauna-unahang siyudad sa Luzon. Bago pa dumating ang mga Kastila, ang lugar na ito ay bahagi ng kaharian ng Maynila (Islamic Kingdom of Manila) na pinamumunuan ng mga Datu, Rajah, at Sultan. Naging bahagi din ito ng Imperyong Majapahit noong ika-14 na siglo. Maganda ang lokasyon nito para sa mga mangangalakal na Tsino, Arabo at Indian dahil nasa bungad ito ng Ilog Pasig at Manila Bay para makipagpalitan ng produkto. 

Noong 1570, nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila para maipagtanggol ang bayan ng Maynila hanggang sa nagkaroon ng kasunduan sa pagitan nina Miguel Lopez de Legazpi at nina Raha Sulayman, Raha Matanda at Raha Lakandula na maging lungsod ang Maynila. Kaya noong Hunyo 24, 1571, opisyal na naging lungsod ang Maynila. Doon naging sentro ng pulitika, militar at relihiyon ang Intramuros.

Kilala ito sa bansag na “The Walled City” dahil nagmula ito sa salitang Kastila na “intra” na ibig sabihin ay loob at “muros” na nangangahulugang “pader”. Sa madaling salita, ang Intramuros ay ang bayan na napapaligiran ng mga pader.

Ang bayan ng Intramuros ay naging saksi na rin sa kasaysayan ng Pilipinas. Ilan sa mga lugar tulad ng Fort Santiago (kung saan ipinakulong si Dr. Jose Rizal bago siya dinala sa Bagumbayan), Manila Cathedral (isa sa mga lumang simbahan na nagsilbing Prime Basilica sa Pilipinas), Palacio del Gobernador (ang bahay pamahalaan ng gobernador heneral bago pa ipinatayo ang Palasyo ng Malacañang), San Agustin Church (isa sa simbahang Baroque na naging UNESCO World Heritage Site), Manila City Hall, Post Office Building, at ang ilang mga lumang gusali na nilikha noong panahon pa ng Espanyol.

Posted in Backpacking, Heritage Towns, History, Photography, Travel | Tagged , , , , , , , | 3 Comments